Minumulto mo nanaman ako. Narinig ko lang tong katabi ko sa bus na nagtataray sa cellphone, naalala na kita. Mataray ka kasi. Pero cute. Paborito ko pag tinutukso kitang Sweso. Si Sweso ay isang character sa Monster Rancher, kamukha sya ni Mike Wazowski sa Pixar’s Monster Inc. Bilugan kasi ang mata mo kaya tintukso kitang sweso. Galit na galit ka sakin pag tinutukso kita ng ganito. Kukurutin mo ko, susuntukin tapos tatarayan. Kahit namimisikal ka, ok lang saken. May pagka-masokista nga yata ako eh. Nag-eenjoy ako kasi kahit nabbwisit ka, alam kong natutuwa ka ren naman at inaasar kita.
Pano nga ba tau nagkakilala?
Magkaklase kasi tayo tapos dahil sa common friends naten, naging magtropa tayo. Di ko na maalala kung sino ang unang nakipagkilala. Kung pano tayo eksaktong nagkalapit. Ang naalala ko lang eh madalas tayo nagdudurugan ng kamay. Uso kasi noon na pag nag-shakehands, pipisiling maigi ung kamay hanggang sa maiyak sa sakit ang ka-shakehands mo. Kahit papayat-payat ako nun, undefeated ako sa kalokohang to. At ikaw, bilang isang astig na babae, eh hinamon mo ko. Astig ka kasi. Hindi ka ung tomboyin ang dating pero ikaw ung tipo ng babae na malambing pero hindi magagago ng kahit sino.
Hinamon mo kong magdurugan ng kamay. Pagkahawak ng mga kamay naten, alam kong may kakaiba. Inumpisahan mong ipitin ang kamay ko, bawat buto parang madudurog, masakit talaga. Malakas ka nga. Hindi ko tinangkang lumaban. Una sa lahat, babae ka, kaya hinayaan ko lang. Pangalawa sa lahat, meron ngang kakaiba akong naramdaman. Di ko namamalayan na araw-araw na naten yoong ginagawa. Masakit kung sa masakit pero hinahayaan ko lang. May nararamdaman kasi akong kuryente kapag hawak ko ang kamay mo. Di nagtagal, sa tuwing hahawakan ko ang kamay mo, hindi mo na dinudurog ang kamay ko. Dun ko nalaman na malambot pala ang kamay mo. Ang dating shakehand-position ng mga kamay naten ay nag-iba. Naging pantay ang mga kamay naten. Pinunan ng mga daliri mo ang mga puwang sa pagitan ng mga daliri ko. Nanlalambot ang mga tuhod ko sa tuwing ginagawa naten yun. Nagkaklase tayo pero sa ilalim ng mesa, magkahawak ang mga kamay naten. Wala namang masama dun di ba? Magkatabi kasi tayo non at isang mahabang mesa lang ang gamit ng buong klase. Di naglaon, sa tuwing may gala tayo, magkahawak pa ren ang kamay naten. Natatawa ako ngaun kasi ang childish pala naten noon. Isipin mo, tinatakpan pa naten ng bimpo ang mga kamay naten pag magkahawak tayo. E para namang hindi obvious na magka”holding hands” tayo. Yun pala yun. Yun pala ung tinatawag nilang HHWW. Yun ang unang bes na nagkaroon ako ng ka-HHWW.
Maraming nangyari mula noon. Alam kong may namamagitan sa ating dalawa pero noong panahong yun, hindi ko alam kung ano yun. Sabi ng mga kaibigan naten, MU daw tayo. Buong katangahan ko silang tinanong kung ano yon. Mutual Understanding daw. Siguro nga ganon. Hindi ko alam. Pero alam ko, wala na ang puso ko saken. Ibinigay ko na kasi sayo.
Lumipas ang panahon. May mga pagkakataong hindi na tayo magkasama. May mga pagkakataong parang kagaya ulit ng dati. Paulit-ulit. Masaya. Malungkot. Masaya. Masaya ulit. tas malungkot. tas malungkot ulit.
Pormal kitang niligawan. Sinagot mo ko pero alam kong may iba ka nang “kadurugan ng kamay”. Hinayaan ko lang. Hanggang sa nakipag-cool off ka saken. Nagalit ako dahil hindi ko alam kung anong nagawa ko o hindi ko ginagawa. Cold war ang nangyari. Di tayo nagpapansinan. Di tayo nag-uusap. Hanggang sa nilunok ko ang pride ko at kinausap ka. Nag-usap tayo ng masinsinan at nalaman ko kung bakit. Natatakot ka na makilala ko ang kabuuan mo. Natatakot ka na baka hindi ko magustuhan ang mga hindi maganda mong katangian. Parang natakot ka na baka hindi ka nararapat para saken. Sino ba naman ako? Isa lang naman ako sa maraming gagong hindi perpekto. Pero nasa iyo ang puso ko, pano ko magagawang hindi ka tanggapin? Nagkabalikan tayo. Doon, naging masaya ako ng lubos. Bawat araw, nakangiti akong pumapasok pero syempre sinusundo muna kita. Yun kasi ang dahilan ng pag-ngiti ko. Alam kong sa akin ka lang. At alam mong sa iyo lang ako. Kahit ayaw ng mga kaibigan ko sa iyo, at ayaw ng mga kaibigan mo sa akin, di naten sila inintindi. You and me against the world ang drama natin. Nagtagal tayo. Hanggang sa unti-unting nanlamig ang pagsasama natin.
Nag-umpisa akong makaramdam ng selos. Hindi ko na nakikita ang ibang bagay. Nabulag ako ng selos. Napuno ka saken at naghiwalay tayo. Hindi maganda ang paghihiwalay naten. Hindi tayo nagpansinan. Hanggang sa malapit na tayong gumraduate. Nagkabati tayo bago matapos ang taon pero magkaibigan na lang tayo.
Magkaiba tayo ng kursong kinuha. Magkaiba tayo ng iskwelahang pinasukan. Tuluyan tayong nagkahiwalay.
Habang nagaaral ako, hindi ko na inisip ang ibang babae. Nagsikap na lang ako sa pag-aaral. Pero wala akong puso. Nasa iyo pa ren kasi. Maraming pagkakataon na nagkabalikan tayo pero di na gaya ng dati. Hindi kasi tayo madalas na nagkikita kaya hindi nagwork-out.
Nagtatrabaho na tayo ngaun. Kinalimutan ko na lang lahat. Tsaka, magandang experience naman yung nangyaring yun sa aten kaya dapat maging masaya na lang ako dun. Nag-move on na ko. Alam kong may mga ilang naging boyfriend ka na ren. Ako, may niligawan pero wala nga kasi akong puso kaya wala akong maibigay sa kanya. Di ko na lang iniisip. Sabi ko, darating din yan. Hanggang sa nalaman ko ang isang balita tungkol sayo.
Ang masakit pa, lahat halos ng mga kaibigan naten ay alam. bukod tanging ako lang ang hindi. Kahit ang bestfriend ko hindi sinabi sakin dahil alam niyang masasaktan ako. Lahat sila alam. Ako lang ang hindi. Sa bagay, ano nga bang karapatan ko at feeling ko naman e espesyal ako. pero ikaw. IKAW. hindi mo man lang sinabi sa ken. magkaibigan tayo di ba? nakalimutan mo na ba ako?
Nung nalaman ko, wala akong naramdaman nung una. Manhid yata ako. Hanggang sa unti-unting luminaw ang lahat. Akala ko lang wala akong naramdaman dahil sa sobrang sakit, namanhid pala ako. Un palang sinasabi kong nakapagmove-on na ko, kasinungalingan lang. Di naman ako masasaktan kung wala na talaga akong nararamdaman. Dun ko naisip na wala na talaga tayong pagkakataon. Yoon na ang katapusan. Tuldok. Lahat ng natitirang pag-asa saken, nawalang parang bula. Oo, di ko alam na umaasa pa ren pala ako.
Nung una, kamay ko lang ang dinudurog mo. Ngayon, durog na durog ang puso ko dahil sa’yo. Pero ang durog kong puso, wala pa ren saken. Nasa iyo pa ren eh.
Durog na durog na yan, pwede mo na bang ibalik saken?
Recent Comments